DSWD Tumulong kay Rose, Babaeng Nakuhanan ng Video na Lumalabas sa Kanal sa Makati


Tinulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Rose, ang babaeng nakuhanan ng video habang lumalabas sa isang kanal sa Makati City, ngayong Biyernes ng umaga. Kasama ng ahensiya si Rose at iba pang mga indibidwal na nakatira sa lansangan upang bigyan sila ng tulong at matulungan silang makabangon mula sa hirap.



Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, makatatanggap si Rose ng P80,000 na tulong pinansyal upang makapagsimula ng isang maliit na negosyo.

“Ang magiging intervention natin kay Rose, pangarap daw niya kasing magkaroon ng tindahan at sa assessment ng ating social worker ay kaya naman niya,” ani Gatchalian.


Loading...

Bukod kay Rose, plano rin ng ahensiya na bigyang suporta ang kanyang partner na si Jerome, na may kasanayan sa welding.

“Si Jerome, ang kanyang partner, ay dadalhin din niya sa atin baka matulungan sa training dahil marunong mag–welding. So, baka matulungan sa pagbili ng welding machine para yung kita nilang dalawa mas maging stable,” dagdag ni Gatchalian.


Sa parehong araw, personal na naglibot si Gatchalian sa mga lansangan ng Makati City upang abutan ng tulong ang iba pang mga walang tirahan at hikayatin silang lumipat sa Pag-abot Shelter — isang programa ng DSWD na layuning tulungan ang mga taong lansangan sa pamamagitan ng pansamantalang masisilungan at iba’t ibang serbisyo.




Ayon sa kalihim, makikipagtulungan din si Rose sa kampanya ng ahensiya upang mahikayat ang iba na tanggapin ang tulong ng gobyerno.

“Tutulong si Rose. Yung mga nakakasalamuha niya na kagaya niya ng sitwasyon, tutulungan niya kami na kumbinsihin sila na sumama dito sa Pag-Abot shelter para mabigyan ng tulong,” pahayag niya.



Si Rose ay naging viral noong Martes matapos makuhanan ng video habang lumalabas mula sa isang kanal. Ayon sa mga awtoridad, ginagamit umano ni Rose ang drainage system bilang pansamantalang tirahan, kasama ang dalawa pang indibidwal. Ngunit pinabulaanan ito ni Rose, at sinabi na pumasok lamang siya sa imburnal upang kunin ang isang cutter blade na nahulog doon.

Napag-alaman ng DSWD na dati nang nangungupahan si Rose at ang kanyang partner sa Pasong Tamo, Makati City.

Patuloy ang pagtutok ng DSWD sa kalagayan ni Rose at ng iba pang nangangailangan, bilang bahagi ng kanilang mas pinalakas na programa para sa mga kapus-palad at walang tirahan.


Maki-balita sa Philippines Today sa FacebookTwitterInstagram at YouTube!


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento