Patay ang isang pulis habang kritikal ang kasama nitong 20 anyos na babae matapos pagbabarilin sa isang motel sa Pasig City Huwebes ng gabi.
Sa kuha ng CCTV sa loob ng Country Lodge Hotel pasado alas-11 ng gabi, makikitang pumasok ang isang puting Fortuner at kasunod nito ay dumating ang isang Revo.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita na tila gumagarahe na ang Fortuner pero hindi nagtagal ay tinabihan ito ng Revo. Dito na bumaba ang mga armadong lalaki ng Revo at saka pinagbabaril ang mga sakay ng Fortuner.
Dead-on-the-spot ang 53 anyos na si Senior Police Officer 2 Ernesto Sanchez na isang operatiba sa Southern Police District Drug Enforcement Unit (SPD-DEU) habang nasa kritikal na kondisyon naman ang kasama nitong 20 anyos na babae na si Josebel Polo, isang estudyanteng taga-Mandaluyong.
Labing-apat na basyo ng bala mula sa umano'y 45 at 9 mm na baril ang narekober sa crime scene.
Ayon sa Pasig police, dinisarmahan pa ng dalawang gunman ang guwardya ng motel bago namaril ang dalawa pang kasamahan.
Kahit dalawa ang baril, tila hindi na nakuhang makaganti ng putok ni Sanchez.
"Organisado at mukhang precise 'yung movement ng perpetrators dahil may dalawang firearm eh, isang armalite at isang shotgun...habang 'yung mga gunman nasa loob ng isang Toyota Revo," obserbasyon ni Senior Superintendent Orlando Yebra, hepe ng Pasig Police.
May plakang XAY 567 ang Revo na gamit ng mga gunman pero napag-alaman ng Pasig police na nakarehistro ito sa isang Isuzu sa Laguna.
Hindi pa rin umano malinaw sa ngayon kung ano ang koneksiyon nina Sanchez at Polo o kung may trabaho o ka-transaksiyon sila sa loob ng motel.
December 2014 nang unang tambangan si Sanchez habang naka-assign pa sa Taguig-Special Anti-Illegal Drugs pero hindi rin naresolba ang kaso.
"Sa personal, kung meron siyang kaaway o pinagkakautangan. Pangalawa tungkol sa third party o love triangle. At pangatlo, itong kaniyang pagiging anti-drug operator," ani Yebra nang tanungin sa posibleng motibo sa krimen.
Ayon kay Chief Inspector Jerry Amindasa, hepe ng SPD-DEU, 2011 niya unang nakasama si Sanchez at nasa mahigit 20 taon nang operatiba ito sa mga anti-illegal drug unit.
Sa katunayan, 6:30 ng gabi ng Huwebes ay nakapagkasa pa sila ng buy-bust operation.
Ayon naman sa kapatid ni Polo, wala itong naikuwento tungkol sa mga huling nakasama o naka-date. Para sa kaniya, nadamay lamang ang kapatid.
"Pinakilala daw po sa kaniya ['yung pulis]...Nanliligaw po 'yung pulis...Kagabi ng 7 kumain pa kami nang sabay, ang sinabi lang niya aalis siya, saglit lang daw po siya," kuwento ng kapatid ni Polo na tumangging ilantad ang pagkakakilanlan.
Isang pulis din na nakadestino sa SPD ang asawa ni Sanchez. Sa kaniya nakarehistro ang sasakyang gamit ng asawa papunta sa motel.
Tipid ang sagot niya sa media pero wala naman aniyang problema sa relasyon nilang mag-asawa.
"Na-shock po...Wala po akong idea, wala po siyang sinabi," ani SPO3 Josephine Sanchez, asawa ng napatay na pulis.
Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang management ng motel.
Binubuo na ng Pasig police ang listahan ng mga posibleng persons of interest na makapagtuturo sa mga tunay na salarin.
0 Mga Komento