Dalagita, minolestiya raw ng mga pulis na humalay umano sa buntis; saksi, kumampi naman sa mga pulis


Maliban sa 29-anyos na buntis, isang 17-anyos na babae umano ang namolestiya rin ng apat na pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa Meycauyan, Bulacan. Gayunman, isang saksi ang lumutang para pabulaanan ang kuwento ng buntis.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng dalagitang itinago sa pangalang ni "Leah," na pinaghubad daw siya ng mga pulis nang isagawa nila ang buy-bust operation.

"Nandu'n po kami sa kuwarto. Sabi po sa amin maghubad daw po. Sabi ko po, 'Bakit po ako maghuhubad?' Sabi niya, minura po niya ako, sabi niya, 'T****** mo! Bakit ka nagrereklamo? Searching lang ito,'" kuwento ng dalagita.

Pinagbihis din naman si Leah pagkatapos pero bago niya maisuot ang kaniyang damit ay pinaghahawakan ng mga pulis ang kaniyang dibdib.

Nangyari raw ang insidente noong Marso 6, ang araw na ginahasa din umano ng mga pulis ang buntis na itinago sa pangalang "Dolores."

Sabi ni Leah, naganap ang pangmomolestiya sa kaniya sa parehong bahay kung saan umano ginahasa si Dolores ng iisang grupo ng mga pulis.

Pero hindi na raw nakita ng dalagita ang ginawang pang-aabuso kay Dolores dahil pinalabas na siya ng bahay.

Inaasahang itutuloy ni Dolores sa Biyernes ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa mga pulis na umano'y nanggahasa sa kaniya.

Ngunit sa isinagawa umanong pagsusuri sa pagkatao ni Dolores, napag-alaman ng pulisya na nasangkot na siya sa kaso tungkol sa iligal na droga.

"Nag-conduct po kami ng background investigation. Siya po ay nahuli na illegal possession 2015 at na-dismiss lang yung kaso," sabi ni Senior Supt Romeo Caramat Jr., Provincial Director, Bulacan Police.

Pinag-iisipan din ng tatlong pulis na idemanda si Dolores na nag-aakusa sa kanila ng panggagahasa dahil sa paninira umano sa kanilang pagkatao.

"Hindi po totoo 'yun, sir. Hindi po. Gagawin po namin nararapat na ikaso sa kaniya dahil sa ginawa niyang paninira sa reputasyon namin," saad ni PO2 Jefferson Landrito.

"Kung sino man po nagtuturo sa kaniya, o baka binigyan po ng pera o kung ano man d'yan, makonsensiya naman po sila," PO1 Marlo Delos Santos.

"Nakakasama po ng loob ang nangyari kasi nagtatrabaho kami nang maayos tapos ganu'n na lang sisiraan kami," sabi naman ni PO1 Jeremy Aquino.

Sinabi naman ng isang saksi na nakita niya si Dolores sa kalsada lang hanggang matapos ang operasyon ng mga pulis taliwas sa pahayag ng biktima na dinala siya sa loob ng kuwarto.

"Nag-alisan na ang mga pulis nandu'n pa rin ang babae," saad ng saksi.

Sa kabila nito, sinabi ni Chief Superintendent John Bulalacao, PNP spokesman, na 'di nito kukunsintihin ang mga maling gawain ng mga pulis.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente para malaman ang katotohanan.

Panoorin ang full video dito:

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento