Nawalan ng saysay ang paggamit ng motorsiklo ng apat na suspek sa panghoholdap bilang getaway vehicle dahil nahabol pa rin sila ng mga awtoridad at nasakote nang maipit sila sa trapik sa San Pablo, Laguna.
Makikita sa video ang pagkilos ng mga tauhan ng Laguna Provincial Intelligence Branch para mapaligiran ang apat na suspek sa gitna ng trapik.
Dahil mabigat ang daloy ng trapiko sa San Pablo at mabilis na responde ng mga operatiba, inabutan nila ang mga suspek na patakas na matapos holdapin ang isang tindahan ng lambanog at tinangay ang P18,000 na kita ng mga biktima.
Sa presinto, kinilala ng mga biktima ang mga humoldap sa kanila na sina Jason Lariza, Allan Andales, Joel Hiloma at Danilo Morte.
Sa follow-up operation, naaresto naman ang sinasabing financier ng grupo na si Wilfredo Caladia, na itinanggi naman ang paratang.
Nabawi sa grupo ang umano'y ninakaw na pera, at nakuha rin sa kanila ang isang kalibre .45 na baril, isang granada, at dalawang bala ng m203.
Ayon naman sa Calauan police na kasama sa operasyon, gun-for-hire din ang suspek na si Morte, bagay na pinabulaanan niya.
Sinabi ni Police Chief Inspector Ricky Dalisay, Laguna Provincial Intelligence Branch, ang mga madadaling target ang pinupuntirya ng grupo at itinatali ang mga biktima para hindi kaagad makahingi ng saklolo.
Isasailalim sa ballistic examination ang nakuhang baril para malaman kung nagamit ito sa iba pang krimen.
0 Mga Komento