Mas madali na ngayong magsampa ng kasong sibil sa metropolitan at municipal trial courts na ang hinahabol ay money claim.
Kabilang dito ang bayad para sa utang, upa, serbisyo, pagbebenta, at pagsasangla.
Sa ilalim ng revised small claims procedure, hindi na kailangan ng abogado para maningil ng hindi lalagpas ng P200,000. Kailangan lang ay small claims form at supporting documents.
Matapos magsampa ng kaso, agad aabisuhan at pasasagutin ang sinampahan ng kaso, at magtatalaga ng petsa para sa hearing na hindi lalampas ng 30 araw mula nang isampa ang kaso.
Kapag hindi nagkaayos sa hearing, agad magdedesisyon ang huwes sa loob ng 24 na oras.
Ang revised small claims procedure ang nakikitang solusyon ng Korte Suprema para mabawasan ang libo-libong kasong isinasampa sa korte, at mabigyan ng remedyo ang mga mahihirap na hindi kayang magbayad ng abogado.
Mas mura rin ang filing fee at posible pang makakuha ng exemption kapag indigent o wala na talagang pinansiyal na kakayanan ang tao.
Ngunit para hindi maabuso ang sistema, may karagdagang bayad sa bawat defendant na idadagdag. May dagdag-bayad din kapag higit limang beses nang nagsampa ng kaso sa loob ng isang taon.
"Ito po ay abot-kayang hustisya. 'Pagkat sa pananaw namin, wala pong maliit na halaga na hindi dapat solusyunan ng hustisya. Sa small claims, pananatilihin natin na ang batas ay maging simple, mabilis, abot-kaya," ayon kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Noong 2010 pa nang unang ipatupad ang small claims procedure pero Pebrero ng nakaraang taon lang tinaasan ang halaga na maaaring singilin. Mula sa P100,000 noon, P200,000 na ngayon.
Ayon sa Korte Suprema, umabot na sa 13,000 small claims cases ang naresobla noong 2016 -- mas mataas ng 10,000 ang kaso kumpara noong 2015.
Pinaigting naman ng Korte Suprema ang information campaign sa social media, maging sa mga paliparan at embassies para makinabang din ang mga overseas Filipino workers.
0 Mga Komento