Babae, hinalay umano ng 6 na lalaki sa Rizal; 5, suspek, naaresto

Isang babaeng umiiyak ang nakasalubong sa lansangan ng isang barangay kagawad sa San Mateo, Rizal. Nang tanungin kung bakit siya umiiyak, doon na natuklasan na hinalay umano siya ng anim na lalaki.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kaagad na dinala ng kagawad sa barangay hall ang biktima at isinagawa ang operasyon para madakip ang mga salarin.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang bahay na itinuro ng biktima kung saan isang binatilyo ang nagbukas ng pinto.


Ngunit nang sabihan siya na tawagin ang kaniyang mga kasamahan, dumaan ito sa likod at tumakas kasama ang apat na iba pa. Kaagad naman silang tinugis at naaresto ang dalawa na edad 16-anyos at 15-anyos.
"Pagkakasabi niya sa akin na siya'y na-rape, isinama ko na siya sa barangay," sabi ni Efren Reyes, kagawad, Bgy Malanday, San Mateo, Rizal.
Pero sa barangay hall kung saan nakaharap ng dalawang binatilyo ang biktimang babae, itinanggi ng mga suspek ang paratang na may kinalaman sila sa nangyaring panggagahasa.
"'Yung dalawang menor de edad, talagang nandoon lang daw sila. Sila ang tagatingin," sabi ni Reyes.
Sabi naman ng kaanak ng isang binatilyo, "Hindi po nasa ano po sila sa sala. 'Yung anak ko tapos 'yung isang batang 15. Kahit 'yung babae, nagsabi hindi daw siya kasama."
"Sabi ko nga po, kung sino ang gumawa roon sa babae dapat 'yun ang hulihin," sabi naman ng isang binatilyo.
Itinuro nila ang apat pa nilang kasama na gumahasa umano sa biktim, na nagresulta sa pagkakadakip kay Xedrick Buenviaje, 20-anyos, at sa dalawa pang binatilyo na edad 17 at 16-anyos.
Ayon sa mga awtoridad, ang tatlo ang talagang gumahasa sa biktima kasama ang isa pang alyas "Butchoy" na patuloy na hinahanap.
"Sir, no comment muna. Bahala na ang abogado ko," sabi ni Buenviaje.
Sinampahan na ng pulisya ang mga suspek. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento